Click Here for the English Version




Ano ang “Buy Pinoy, Buy Local”?

Ang “Buy Pinoy, Buy Local” ay isang kilusang naghihimok sa Pilipinong mamimili, negosyante at sa pamahalaan na tangkilikin ang mga produkto at serbisyong gawa at isinaproseso dito sa Pilipinas.

Hinihimok din ng kilusang ito ang mga local at dayuhang manufacturer na may pinatatakbong pagawaan dito sa ating bansa upang patuloy nilang paunlarin ang kalidad ng kanilang mga produkto at serbisyo.

Ano ang mga layunin ng “Buy Pinoy, Buy Local”?

Ang kilusan ay may anim na layunin:
1. Upang itaguyod ang mga produkto at serbisyong gawang Pilipino na may mataas na kalidad;
2.Upang magsagip at lumikha ng lokal na trabaho;
3.Upang bigyan ng proteksyon ang mga Pilipinong manggagawa at mamimili at ang mga negosyong nakabase sa Pilipinas, pag-aari man ito ng Pilipino o ng dayuhan;
4. Upang hikayatin ang lokal at dayuhang pamumuhunan;
5. Upang labanan ang smuggling; 6. Upang itaguyod at lumikha ng paborableng business climate para sa lokal na industriya.

Sino ang mga pangunahing tagapagtaguyod ng “Buy Pinoy, Buy Local”?

Ang Federation of Philippine Industries (FPI) at ang Federation of Filipino-Chinese Chambers of Commerce and Industry, Inc. (FFCCCII) ay magkasamang nagpapasimuno sa kilusang ito.

Ang partisipasyon sa kilusang “Buy Pinoy, Buy Local” ay bukas sa lahat ng organisasyong nagtataguyod sa pagbili at paggamit ng mga produkto’t serbisyong lokal.

Ano ang ibig sabihin ng mga produkto at serbisyong lokal?

Ayon sa kilusang “Buy Pinoy, Buy Local,” ang ibig sabihin ng salitang “local” ay mga produkto at serbisyo na ginawa sa Pilipinas, ng manggagawang Pilipino, kahit saan man nagmula ang raw materials o anu man ang nasyonalidad ng may-ari ng kumpanya.

Paano malalabanan ng “Buy Pinoy, Buy Local” ang smuggling, mabibigyan ng proteksyon ang mamimiling Pilipino at ang mga negosyong nakabase sa Pilipinas, mahihikayat ang mga puhunang local at dayuhan, at maitataguyod ang mas mataas na mga pamantayan sa kalidad ng mga produkto at serbisyo?

Nagpapatuloy ang smuggling sa dahilang bumibili ang mga tao ng smuggled na mga produkto. Ang hindi nila alam, kaya lamang mura ang presyo ng smuggled na mga produktong ito ay sapagkat hindi nito binabayaran ang karampatang buwis o taripa. Kalimitan pa nga ay mabababa ang kalidad ng mga ito. Ang “Buy Pinoy, Buy Local” ay umaasang sa kalaunan ay mawawalan ng puwang sa pamilihan ang mga produktong smuggled.

Ang “Buy Pinoy, Buy Local” ay naglalayon din na mabigyan ng proteksyon ang mamimiling Pilipino laban sa mga produktong mababa ang kalidad at hindi ligtas, at gayundin ang mga negosyong nakabase sa Pilipinas laban sa di-pantay na kumpetisyong idinudulot ng smuggling.

Kung ang smuggling ay tuluyang mapupuksa o dili kaya ay malilimita man lamang, maraming local at dayuhang mamumuhunan ang maaakit na magtayo ng lehitimong mga negosyo dito sa ating bansa. Dahil sa halos 90 milyon ang populasyon ngayon ng bansa, binubuo ng Pilipinas ang isang napakalaking pamilihan na magiging kaakit-akit sa mga negosyo.

Gaano kalubha ang problema ng smuggling sa Pilipinas?

Napakaseryosong problema ito. Dahil sa smuggling, nalulugi ang pamahalaan ng bilyong pisong foregone revenues, maliban pa sa nababawasan ang pamilihan ng mga lokal na produkto.

Sa talaan ng International Monetary Fund (IMF), ang kabuuang exportasyon na pumasok sa Pilipinas mula 2002-2007 ay umabot ng US$284.70 bilyon habang sa talaan naman ng Bureau of Customs (BOC) ay umabot lamang ito sa halagang US$195.01 bilyon—ibig sabihin, may halagang US$89.69 bilyon ang hindi naitala ng Customs. At sa bawat taong may hindi naitala ang Bureau of Customs na US$14.95 bilyon, katumbas nito ang halagang PhP740.50 bilyon (batay sa halaga ng palitan na PhP50 sa US$1).

Samakatuwid, ang VAT at taripa na hindi naibayad, na nagkakahalaga ng PhP127.075 bilyon, ay lumalabas na kawalang-kita ng pamahalaan.

Sino ang makikinabang sa “Buy Pinoy, Buy Local”?

Ang buong bansa ay makikinabang sa tagumpay ng kampanyang “Buy Pinoy, Buy Local.” Ito ay lilikha ng matatag na domestic market at magbubunga ng karagdagang trabaho at magpapasigla sa pamilihang local.

Ang masiglang pamilihang local ay magdudulot ng malakas na demand na syang magpapalago ng produksyon. Mabibigay din ito sa mga manufacturer ng economies of scale sa kanilang operasyon at maaaring magpababa ng presyo ng mga produkto.

Ang malaking bentahan ay nangangahulugan ng karagdagang buwis na mapupunta sa ating pamahalaan.

Dapat ding bigyang diin na ang ating mga domestic manufacturers ay makakalaban lamang sa pandaigdigang kalakalan, ng buong ibayo, kung ito ay may malakas at matatag na pamilihang local. At sapagkat, layunin din ng “Buy Pinoy, Buy Local” ang mabigyan ang ating mga mamimili ng de-kalidad na produkto, patuloy itong nakikipag-ugnayan sa Bureau of Product Standards (BPS) ng Department of Trade & Industry (DTI) at Bureau of Food & Drugs (BFAD) ng Department of Health (DOH).

Hindi kaya maturingang protectionist ang “Buy Pinoy, Buy Local” at maging dahilan na paghigantihan ng ibang bansa?

Ang “Buy Pinoy, Buy Local” ay isang kilusan at hindi isang panukalang batas. Maliban dito, wala itong ipinatutupad na diskriminasyon sa pagitan ng mga produkto at serbisyo ng kompanyang Pilipino at ng dayuhan hangga’t ang mga ito ay ginagawa ng manggagawang Pilipino dito sa ating bansa. Dagdag pa, ang mga bansang katulad ng Indonesia, Brazil, at India ay nagpasimula na rin ng ganitong kahalintulad na mga aksyong nagtataguyod ng kanilang mga domestic industries.

Maging ang Amerika ay isinama na ang “Buy American” sa kanilang Batas na nagtatakda ng Stimulus Plan; samantala, ang “Buy Pinoy, Buy Local” ay isang kilusang pinamumunuan ng pribadong sector at hindi isang batas.

Ang layunin ng pagkilos na ito ay ang mahikayat ang buong sambayanang Pilipino na tangkilikin ang sariling atin.

Ano ang mga dahilang nagtulak sa FPI at FFCCCII upang maglunsad ng “Buy Pinoy, Buy Local”?

Ang inpirasyon ng “Buy Pinoy, Buy Local” ay nagmula kay Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo. Sa kanyang talumpati sa isang command conference sa Malacañang noong ika-25 ng Marso 2008, sinabi niyang sa isyu ng government procurement ay bibigyan niya ng pangunahing pagpapahalaga ang mga produktong gawang lokal.

Isinasaad din ng Saligang Batas ng Pilipinas (sa Section 12, Article XII) na itataguyod ng pamahalaan ang pangunahing paggamit sa lakas-paggawa ng Pilipino, sa mga local materials at mga produktong gawa sa Pilipinas. Dagdag pa, pagtitibayin din ng pamahalaan ang mga hakbang na makatutulong upang ang mga produktong lokal ay magkaroon ng competitiveness- ang kakayahang makipagsabayan sa pandaigdigang pamilihan.

Upang maipatupad ang probisyong ito ng Saligang Batas, inilabas ni Pangulong Arroyo ang Administrative Order 227 (AO 227) noong ika-27 ng Mayo 2008 na nag-uutos sa lahat ng sangay ng pamahalaan, mula sa mga departamento hanggang sa mga local government units, mula sa mga korporasyong kontrolado ng gobyerno at mga unibersidad at kolehiyo na pag-aari ng gobyerno hanggang sa militar at pulisya, na sa kanilang pamimili ng kanilang mga pangangailangan, bibigyan nila ng prayoridad ang mga materyales, produkto at supplies na gawang Pilipino. Sa ilalim ng AO227, hindi nito sinasara ang pag-angkat ng mga produkto kung ang mga materyales na kailangan ay hindi ginagawa sa Pilipinas o hindi sapat sa pangangailangan ng mga Pilipino.

Mangyari ay nirerespeto ng “Buy Pinoy, Buy Local” ang mga obligasyon ng ating pamahalaan sa ilalim ng mga kasunduang internasyunal.

Paano ka makalalahok sa “Buy Pinoy, Buy Local”?

Masusuportahan mo ang kilusan sa pamamagitan ng simpleng pagbili ng anumang produktong gawa sa Pilipinas, ng ating manggagawang Pilipino.

Ipamahagi ang kahalagahan ng kilusang ito sa iyong pamilya, mga kamag-anak at kaibigan. Isaisip lagi na sa bawat pagbili mo ng lokal na produkto, gaano man kaliit ang halaga, katulad ng ballpen, hairpin, sabon at pabango, ikaw ay tumutulong upang manatili sa kanyang trabaho ang isang manggagawang Pilipino.

Federation of Filipino-Chinese Chambers of Commerce and Industry, Inc.
6th Floor, Federation Center, Muelle
de Binondo St., Binondo Manila
Tel. Nos. (632) 241-9201 to 05;
Fax No. (632) 242-2361
Email: ffcccii@yahoo.com


Federation of Philippine Industries, Inc.
Unit 701 Atlanta Centre Condominium,
#31 Annapolis St., Greenhills, San Juan City
Tel. Nos. (632) 722-3409; 584-9642; 727-4359;
Fax No. (632) 722-9737;
Email: fpi@fpi.ph; fpi@philonline.com;
fpi@pldtdsl.net; fpi.secretariat@gmail.com